Tula Para sa Earth Hour Binigkas una noong March 27, 2010
Kumbakit Nagpipikit Ako ng mga Mata ni Reuel M. Aguila Minsan, tinanong ng aking kuya, sa probins'ya, noong kami’y mga bata pa, kung bulag na ba daw s’ya; nang pinatay na ang gasera wala s’yang makita. Walang matatandang nakatugon maliban sa hanging may ibinubulong, at mga kuliglig na waring may hinihimig. Mayamaya pa’y pati mga mata’y nasanay sa dilim. Sa dilim higit na maningning ang mga bituin. Ilang dekada na iyon; at gayong pareho na kaming nagsasalamin, ano’t higit nahihirapang aninagin ang mga bituin ng mga nagdaan; nakakasilaw ang mga ilaw ng kasalukuyan; at ang liyab ng mga dagitab ay sapat nang makapambulag. Wala lang. Mayroon lang mga alaala na marahil ay mahalaga o may aral; ewan. Di ko matantya kumbakit higit akong nakakakita sa pagpikit ng mga mata; at higit na lumiliwanag ang pananaw kung pinapatay ang mga ilaw. (Unang binigkas para sa Earth Hour, 27 Marso 2010; 8:30 – 9:30 n.g., oras sa...