Tula Para sa Earth Hour Binigkas una noong March 27, 2010
Kumbakit Nagpipikit Ako ng mga Mata
ni Reuel M. Aguila
Minsan, tinanong ng aking kuya,
sa probins'ya, noong
kami’y mga bata pa,
kung bulag na ba daw s’ya;
nang pinatay na ang gasera
wala s’yang makita.
Walang matatandang nakatugon
maliban sa hanging may ibinubulong,
at mga kuliglig na waring may hinihimig.
Mayamaya pa’y pati mga mata’y
nasanay sa dilim. Sa dilim
higit na maningning ang mga bituin.
Ilang dekada na iyon; at gayong
pareho na kaming nagsasalamin,
ano’t higit nahihirapang aninagin
ang mga bituin
ng mga nagdaan;
nakakasilaw ang mga ilaw
ng kasalukuyan;
at ang liyab ng mga dagitab
ay sapat nang makapambulag.
Wala lang.
Mayroon lang mga alaala
na marahil ay mahalaga
o may aral; ewan. Di ko matantya
kumbakit higit akong nakakakita
sa pagpikit ng mga mata;
at higit na lumiliwanag ang pananaw
kung pinapatay ang mga ilaw.
(Unang binigkas para sa Earth Hour, 27 Marso 2010;
8:30 – 9:30 n.g., oras sa Pilipinas; sa resto na Pen-pen na pag-aari nina Chupsie Medina)
Nauna ring ilathala sa blog na ito.. paki silip po dito noong Marso 28, 2010.