Reuel Aguila - RMCHSAAI Distinguished Alumni Awardee 2010
Tayong mga Karaniwan
Talumpati para sa pagtanggap ng
Distinguished Alumni Award
4 Disyembre 2010
------------------------------------------------
Si Reuel Noon |
Magandang gabi po sa lahat ng mga naririto at sa mga kamag-aral nating wala man dito ngayon ay tiyak kong kasama din natin sa diwa.
Maraming dapat pasalamatan at tiyak ko pong marami akong makakalimutan; lalo po ako, isang naging makakalimutin sa mga pangalan. Kayat ngayon pa lamang ay nagsasagawa na po ako ng isang shot-gun na pasasalamat: salamat po sa ating lahat. At gayon din po ay humihingi na ng paumanhin kung di ko man matandaan ang inyong mga pangalan.
Sa lahat po ng ito, nais ko pong itangi ang pasasalamat sa RMCHS Alumni Association. Bihira ang mga alumni association na kumikilala sa mga malikhaing manunulat. Ang mga karaniwang pinaparangalan ay yong nasa mga tanggap nang propesyon tulad ng engineering, accounting, nursing, medicine, military at mga katulad. Wala pong mali sa pagkilala sa mga kinagawian na.
Lamang ay, sa ating bansa, halos hindi kinikilalang propesyon ang malikhaing pagsusulat.
Bakit ka magsusulat ng tula o maikling kwento o nobela o sanaysay o dula? Hindi ka bubuhayin ng mga ito. Pinaparatangan ang pagsusulat bilang isa lamang paglalahad ng damdamin ng iisang tao. Sinasabi ring hindi ito bigas o krudo’t gasolina o tilapia o koryente’t tubig na pang-araw-araw na tinatangkilik at kinakailangan ng maraming tao.
Kaya gumuho ang mga plano ng aking ama nang mag-shift ako mula sa popular na BSBA Accounting tungo sa kauusbong na kursong AB Filipino. Sabi ng aking ama: sinasalita mo na ‘yan, pag-aaralan mo pa? Anong trabaho ang makukuha mo d’yan? Mula Accounting, gusto ng aking ama na mag-abogasya ako. Perfect combination, ayon sa kanya. At, alam niyang kayang kaya ko ang mga ito. Valedictorian ang kanyang anak. Alam niyang ang pinakamababang grades ko sa highs school ay sa Filipino at Journalism.[1]
Ganoon din ang sabi ng aking asawa sa gitna ng pagtatayo namin ng pamilya. Halos dalawang dekada akong freelancer, isang disenteng katawagan para sa mga walang regular na trabaho, o walang trabaho. Paulit-ulit iyon: bakit hindi ako maghanap ng tunay na trabaho; yong may tiyak na maaasahan kada kinsenas at katapusan? Pero wala namang kumpanya para sa mga katulad namin; yong papasok ka ng 8am hanggang 5pm, magsusulat ng mga tula, o kwento o dula; at tapos ay pasuswelduhan kada kinsenas. Malikhaing pagsulat at hindi journalism; malikhaing pagsulat at hindi advertising o PR work.
Binabahagi niya ang kanyang speech |
Ang pagsusulat ay 24/7, 24/365; walang tiyak na opsina (kung saan abutan ng kati, wika nga); walang boss maliban sa sarili (kayat kadalasang kinakaaway ang sarili) ; walang tiyak na output; walang tiyak na sweldo; walang tiyak na pag-reretire-an.
Ang mga kabataang manunulat na kasabayan ko noong kalagitnaan ng dekada 70, isa-isaang nilamon ng pangangailangang mabuhay. Maraming mas magagaling kaysa sa akin ang tumigil sa pagsusulat.
Ang iba, nagpayo sa akin: magsulat na lang ng showbiz, o entertainment o yong basta na lang nagpapatawa kahit walang saysay. Magsulat na lang ng speeches para sa mga politiko. Kikita ka na, sikat ka pa, at higit sa lahat, ligtas. Hindi yang inilalagay mo ang sarili mo sa panganib sa pagsusulat ng katotohanan.
Ngunit ayaw kong isanla ang kaluluwa ng tanging alam kong gawin. Ang pagsusulat ko ay ako; at ayaw kong isanla ang aking kaluluwa.
Kayat isang maaliwalas na umaga, ilang matitipunong kalalakihan ang nagpaabot sa akin ng imbitasyon; isang surprise party, at nilagyan pa nila ako ng costume na piring sa mata at posas sa mga kamay. Sa isang iglap, natuto akong lumimot ng mga pangalan; na hanggang ngayon ay dala-dala ko pa ring kahinaan. Halos photographic pa rin ang aking memorya hanggang ngayon maliban lamang sa mga pangalan. Hindi dulot ito ng pagtanda, bagkus ng karanasan. Kaya ako nagpaumanhin kanina pa man.
Sa surprise party na inimbitahan ako, Isinali nila ako sa mga parlor games, na lagi ako ang taya: Trip to Jerusalem na iisa ang upuan at ako yong nakaposas doon; London Bridge is Falling Down o yong dinidibdiban ka at sinasamapal pero mas takot kang tumumbang pabaliktad kasama ang silya; Hit the pot o Palayok o yong nakapiring ka habang binabatuk-batukan ka; Truth or Consequence o yong walang patid na interogation. Buti na lang at hindi nila ako isinali, gaya ng ilan pang mga naimbitahan sa party na iyon, sa basketball team ng Meralco o yong mga kinukuryente. O kaya ay sa drinking contest o yong sinasaksakan ng hose sa bunganga o itinatapat ang ilong sa gripo.
Malungkot na landas ang tinatahak ng manunulat sa malungkot na bansa nating ito. Sa ibang bansa na kumikilala sa kanyang mga alagad ng sining, ang matitinong manunulat ay kayang mabuhay nang disente at ligtas; sabihin pa, yumayaman din tulad ng mga nasa ibang larangan.
Hindi ko ninais na maging katulad ng awtor ng Harry Potter na naging bilyonaryo. Ngunit inaamin kong nananaginip din ako nang gising: kung naambunan man lamang kami ng royalty sa children’s tv program na Bayani ng Channel 2, na ako ang Head Writer, siguro ay higit na magaan ang buhay namin ngayon.
Kung namahagi man lang ng kinita ang mga textbook writers sa walang pahintulot na paggamit ng aming mga sinulat; o yaong mga nagtanghal ng aming obra, baka hindi lang pagkagitla ang aming natanggap.
Pero nagpapataba ng puso ang bawat pagkakabasa sa aming nasulat, sa bawat pagkaintindi, sa bawat pagkagusto, o papuri o maging ang paghamak sa amin.
Hindi man napapakinabangan ng sikmura ang aming nasusulat, nakakabusog naman ito ng isip at puso ng mambabasa at ng sa amin na rin.
Ano ang saysay ng aming ginagawa? Marahil hindi masusukat sa kasalukuyan. Kung masusukat man, magagawa ito sa pamamagitan ng ilang plake, sertipiko at medalya; at kaunting panawid-gutom. Ngunit ang mga pagkain ng isipan at puso ay hindi agad naiwawaksi tulad ng kanin at ulam. Nananatili ang mga ito sa mahabang panahon; kahit pa nga wala na ang lumikha ng mga akda.
Hindi man kagyat ang pakinabang sa mga akda, sa madaling hinaharap, o kahit pa sa mahabang panahon, labis na nagiging mahalaga ang mga hindi pinansin ngayon.
Ang sining ay ang tahimik na tagapagbuo ng ating pagkatao. Ang sining ang nagpipino ng ating pagiging Pilipino, ng ating pagkabansa.
Kayat labis po akong nagpapasalamat sa inyong mga marunong kumilala at makisabay sa aming waring nag-iisang paglalakbay.
Sabihin pa, ang parangal na inyong ipinagkaloob ay isang panggising na kurot sakaling maupo kami sa gilid ng daan dahil sa pagod. O, kung manghihiram ako ng metapora, ang inyong parangal ay ang sundang na humiwa sa aming bisig at ang katas ng dayap na ipinatak sa sugat na ito; upang kami ay hindi makatulog, upang hindi kami maging bato sa aming layuning mahuli ang Adarnang siyang gagamot sa sakit ng hari.
Si Prof Reuel M Aguila ngayon |
Apat na pong taon na ang nakalipas, Matatanda na ang aking mga anak; ngunit palagi pa ring naglalahad ng mga palad dahil kinukulang ang kanilang sweldo.
Naglalahad din ako ng kamay, sabi ko sa mga anak ko, matanda na ako, wala pang apo. Sa kabilang banda, maigi na rin muna siguro iyon. Hindi ako pwedeng biruin, tulad ng ilan sa mga naririto na, nakikisiping sa isang lola.
Apat na pong taon. Sino ang makapagsasabi na makaka-survive tayo sa isa sa pinakamakasaysayang yugto ng pagbubuo ng ating lipunan. Ang Batch 70 at mga kanugnog nitong batch ang nakaranas ng serye ng di malirip na karahasan, Writ Suspension, Martial Law, pagbagsak ng ekonomiya, laganap na korupsyon, di mapantayang kriminalidad, lantarang pagtatago sa katotohanan, at pagbabago ng mga dating kinagawian at paniniwala.
Batid ko, tulad ng landas na ulila kong tinahak, bawat isa sa atin ay may kanikaniya ding landas na tinahak. At, sa maraming pagkakataon ay tinahak ninyo ang mga ito nang mag-isa.
Ngunit walang pagsisisi. Hindi man naging madali ang pagbagtas sa mga landas na ating pinili, napili, o basta na lang bumulaga nang walang pasabi, ang bawat pagkapagod, pagkadupilas ay mga aral na nagpatibay sa atin. Kailangang maging matibay, dahil batid kong malayo pa ang ating mararating. Kung hindi man, marami pa ang nangangailangan sa ating katatagan upang maagapayan ang mga ngayon lamang naglalakbay.
Apat na pong taon, at sa pakiramdam ko’y ngayon pa lamang ako nagsisimula. Matibay ang pundasyong nilikha ng ating paaralan para sa atin. Ang kanyang mga kakulangan ang siyang nagsanay sa atin na maghanda sa marami pang kakulangan sa aktwal na buhay.
Isang mahabang apartment ang tinawag nating paaralan. Nang makalipat sa ngayong kinatitirikan (na dating City Hall ng Quezon City), nanumbalik ang paaralan bilang apartment talaga. At, naging tahanan pa ito ng ilang kaeskwela natin.
Atin ang mga kalye ng New Orleans, Luisiana (Egea na ngayon), Minnesota (Ermin Garcia), Detroit at Chicago. Sa mga ito tayo umawit ng Lupang Hinirang, nagmartsa, nagdaos ng PE, lihim na nakitagpo, lihim na nagtago sa mga guro, umiistambay, nakipagbabag, nag-aabang ng masisilayang napupusuan o masabayan kaya sa pag-uwi.
Maswerte na kung may dalawang set tayo ng uniporme; may baryang pang-recess; may kaibigang may pang-recess, matinong medyas at sapatos. Halos wala sa atin ang masasabing anak ng mayaman. Tayo ang mga anak ng karaniwang Pilipino; mga anak ng mga kawani ng kung anong opisina, tindero’t tindera, guro, kawal, at maging mga magulang na susulpo’t dili kung nagkakatrabaho o hindi.
Tayo ang mga taga-public school; tayo ang nasa tabi ng mas kilalang Nepa-Q-Mart; tayo ang may 20 section, may vocational, annex at panggabi na nagkakasya sa tig-isang toilet ng babae at lalaki; tayo ang istambay ng mga sari-sari store na nagsisilbing kantina natin at gawaan ng assignment; tayo ang mga naglilinis ng sarili nating classroom, nagdadala ng walis, floorwax at bunot; tayo ang tinatawag na karaniwan.
Ngunit ang pagkapangkaraniwang ito mismo ang nagpatatag sa atin. Sa pagkakaraniwan tayo nag-uugat at lumilingon bilang pinanggalingan. Kaya, nasa isip at puso natin, magkakaiba man ang mga pananaw natin sa buhay at lipunan, na magpunyagi hindi lamang para sa ating mga sarili, bagkus, upang ang iba pang mga karaniwan ay magkapuwang sa buhay at lipunan.
Nagbabalik tayo ngayon sa pinag-ugatan natin sa layuning ito: ang makapag-ambag upang magkapuwang sa buhay at lipunan ang mga karaniwang tulad natin dati.
Sa ngalan ng aking ina, si Perla Molina Aguila, dating guro sa ating paaralan at namayapa anim na taon na ang nakalilipas; sa aking kuya, Reuben, batch 1966; nakababatang kapatid na sina Rafael Jr, batch 1974; Remedios, batch 1976; Regina, batch 1986 at napangasawa niyang si Ramon Tampil, batch 1984; at sa aking panganay na anak, Pio Reuel, batch 1995 , kaisa ninyo kaming lahat sa marami pang paglalakbay at tagumpay.
Maraming salamat po
[1] Bagamat naipapanalo ko ang contest pang-indibidwal at pangdyaryo, sa aking pagkaalaala ay panay 75 ang mga grado ko; dahil nakabangga ko ang dawala kong guro. Makalipas ang ilang taon, naging adviser na ako ng mga dyaryo ng PSHS at nagkita kami ng dati kong adviser. Tinalo ko siya nang magbest school paper ang PSHS.