Could it be about more than Earth Hour, this poem by University of the Philippines Professor Reuel Aguila?

Kung magpapatay tayo ng ilaw, mas marami sana tayong matitipid na koryente. At dahil doon matutulungan natin ang Inang Kalikasan na mag hilom ng  kanyang mga sugat na dala ng pagwawaldas ng tao sa ating mga likas yaman. Pero tanong ko lang, ito ba kaya ang tunay na diwa ng tulang ito?



Kumbakit Nagpipikit Ako ng mga Mata
(para sa Earth Hour, 27 Marso 2010;
8:30 – 9:30 n.g., oras sa Pilipinas)

Minsan, tinanong ng aking kuya,
sa probins'ya, noong
kami’y mga bata pa,
kung bulag na ba daw s’ya;
nang pinatay na ang gasera
wala s’yang makita.

Walang matatandang nakatugon
maliban sa hanging may ibinubulong,
at mga kuliglig na waring may hinihimig.
Mayamaya pa’y pati mga mata’y
nasanay sa dilim. Sa dilim
higit na maningning ang mga bituin.

Ilang dekada na iyon; at gayong
pareho na kaming nagsasalamin,
ano’t higit nahihirapang aninagin
ang mga bituin
ng mga nagdaan;
nakakasilaw ang mga ilaw
ng kasalukuyan;
at ang liyab ng mga dagitab
ay sapat nang makapambulag.

Wala lang.
Mayroon lang mga alaala
na marahil ay mahalaga
o may aral; ewan. Di ko matantya
kumbakit higit akong nakakakita
sa pagpikit ng mga mata;
at higit na lumiliwanag ang pananaw
kung pinapatay ang mga ilaw.

Tula at litrato mula sa multiply site ni Professor Reuel Molina Aguila.


Sa aking abang palagay, mas malalim ang  mensahe ng tula na ito ni Prof. Aguila. Ito kaya ay higit sa pisikal na ilaw na gaya ng mga bombilya? Ibig kaya nya sabihin ay ilaw at liwanag na dapat magbukas sa ating mga isipan upang laging gawin ang tama sa gitna ng magulong mundo ngayon? Nagtatanong lang po, classmate.

Popular posts from this blog

Reuel Aguila

Mona Evangeline Fabian