ANG MABABAW KONG KALIGAYAHAN
REUEL MOLINA AGUILA
(Batch 1970)
---------------------------------------------

Ako lang ang naka-short pants nang unang linggong iyon; 1966, first year sa isang tinawag na high school na nangungupahan sa isang mahabang apartment sa gilid ng lumang Quezon City Hall, harapan ng Nepa-Q-Mart.

Binata na ako, sabi ko sa aking mga magulang. At, ang binata, hindi nagso-short pants. At, nagsusuot ng brief.

Binata na ako, kayat lihim kong inaahit ang itaas ng aking nguso. May bigote dapat ang binata. Pati ang patilya ko, inaahit ko. May sideburns dapat ang binata. Gupit binata ang binata.

Ngunit ni balahibong pusa ay walang tumutubo sa alin mang bahagi ng aking katawan, noon. Sadyang hanggang taas lang ng tenga ang inaabot ng aking buhok. At, pilit ginagawang crew-cut ng aking ama ang aking sobrang lambot, tuwid na tuwid at pinong pinong buhok. Mabuti na lang at may Tancho Tique.

Kayat pilit napatayo ang aking buhok na palagian ding kinakantsawan na landingan ng langaw. Walang langaw na natusok sa aking buhok. Tanging alikabok lamang ang nadarakip; lalo’t nagsasagawa ng PE o PMT sa kalye nitong New Orleans.

Panahon iyon ng Cascades at Beatles, Nora Aunor at Eddie Perigrina, Moonstrucks at RJ and the Riots; panahon iyon na nagsisimulang pumiyok ang aking boses. Nagbibinata na nga ako.

Panahon iyon ng mga lihim na pagsulyap sa isang kaeskwela, at di mapigilang pag-usbong ng mga tigyawat; panahon ng pagtuklas sa hiwaga ng usok ng sigarilyo ngunit nahihiwagaan pa rin kumbakit may pulbos ng chalk sa likuran ng palda ang dalagitang biglang bumulong sa guro upang magpaalam.

Panahon iyong di umaabot ng piso ang baon, ngunit nakapag-recess na’y may natitira pa ring barya; panahon ng masayang pag-fill-in-the-blanks sa slam book, at mga blankong di natugunan sa exam; ng Coca Cola at Pepsi Cola, at Cortal at Medicol, at kaunting pagpipiliang brand; ng Cubao at ang kanyang COD, Little Quiapo at manginlan-ngilang mapapasyalan; ng panonood ng telebisyon sa kapitbahay, bihirang pagsisine, at halos di pagbabasa ng pahayagan; ng bungisngisan, pangangantyaw, at kung ano pang mababaw na kaligayahan habang nagsisimula nang nagbabago ang lipunan sa labas ng munti nating kamulatan.

Biglang bigla, may nag-rally sa eskwelahan, kauna-unahang rally, mga taga-annex, humihiling ng silya at maayos na kondisyon sa pag-aaral; nagkaroon ng unang na-reelect na pangulo ng bansa; kauna-unahang may naka-landing sa buwan; unang naitala sa pahayagan ang tinadtad na biktima; sumugod na ang mga Viet Cong, ang Tet Offensive na magiging simula nang pagtatapos ng paghahari ng US sa Vietnam; nilusob ng mga aktibista ang Malacanang na maghuhudyat ng matagalang protesta na nagaganap hanggang ngayon; habang tayo’y namumoroblema pa rin sa mga panahong iyon ng ating kanikanya tigyawat at mapapasukang kolehiyo, kawalan ng syota sa Pasko, o kapartner sa JS Prom, o kung makukuha na ng ating Model Platoon ang 3-legged trophy.

Panahon iyon na malayang nakakatawid tayo ng EDSA; walang kongkretong island na nagbabawal para makarating tayo sa nais nating patunguhan. Ni walang mataas na tulay-tawirang dapat akyatin. Panahong bukas at malawak ang mga landas... tungo sa kanikaniya nating kinabukasan.

Panahon din iyong ninais kong sana’y mabilis na akong tumanda. Upang marahil magawa ko na ang mga nagagawa ng matatanda, na kung iisa-isahin ko ay hindi ko naman talagang matukoy o maintindihan man lamang.

Siguro, nais ko lamang na malayang makauwi kahit gabi na; na hindi ko kailangang magpaliwanag kung saan ako nanggaling o kung ano ang aking ginawa. O, pumasok sa eskwelahan na hindi nakauniporme; lumampas sa tenga ang aking buhok; makapanigarilyo sa harapan ng mg tao; magkabigote, sideburns, at magsuot ng salamin.

Apat na pong taon na ang lahat ng ito. May bigote na akong kailangan kong gupitin sa tuwituwina; nakakapagod. Nakabagot na rin ang laging nakapantalon; ang sarap pala ng naka-shorts. Isanlibo’t isa na yata ang brand ng softdrinks at kung ano pang bilihin; ang hirap pumili. Ayaw ko na yatang mamasyal sa magulong Cubao; naliligaw at naiingayan ako, bukod pa sa kaba na baka madukutan sa anumang sandali. At, nabibigatan ang aking ilong kahit kay gaan na ng aking salaming ilampong taon ko nang suot.

Ewan nga ba, bakit kung kailan natupad ang kahilingan (na sana ay tumanda na) saka muling humihiling na magbalik sa dati.

Kaya marahil tayo nagkikita-kita; kahit papaano ay buhaying muli, kahit saglit, ang mga araw ng ating kamusmusan at mabababaw na kaligayahan. Dahil sa loob-loob natin, di man natin banggitin, iyan ang nagpapalalim sa ating pagkatao.


®

Popular posts from this blog

Reuel Aguila

Acropolis Clubhouse